Erick Slumbook: Paglalakbay Kasama ang Anak Kong Autistic by Fanny A. Garcia
Format: Bookpaper, 304 pages
ISBN: 971271439X (ISBN13: 9712714403) | Published 2004 by Anvil Publishing, Inc.
Read from January 25 to February 10, 2014
owned, pinoy book
My rating: ★★★★☆
Ang librong ito ang isa sa mga librong nabili ko noong warehouse sale ng National Bookstore noong Nobyembre 2012. Mayroong din akong Introduction to Special Education class ngayong semestre, at ang report ko pa nga ay tungkol sa Autism Spectrum Disorder kaya binasa ko agad ang librong ito bilang additional reference material. Ang librong ito ang nagsisilbing biography ni Erick, isang batang autistic; at autobiography na rin ng kanyang ina na si Fanny A. Garcia.
Si Fanny A. Garcia ay isang manunulat na nagkamit ng mga gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa mga kategoryang maikling kwento, sanaysay, teleplay, at kwentong pambata. Bago ang Erick Slumbook, nakapaglimbag na rin sya ng apat na libro. Sya din ang scriptwriter ng pelikulang "Saan Darating ang Umaga?" ng Viva Films noong 1983, na nanomina bilang Best Story at Best Screenplay. Bukod dito, nagkaroon na rin sya ng iba pang parangal. Isa rin syang guro, editor, mananaliksik, at tagapagsalin.
Ngunit sa kabila ng kanyang mga tagumpay, hindi akalain ni Fanny na magkakaron sya ng matinding pagsubok sa buhay na siyang magpapatatag rin sya kanya at magsisibling inspirasyon nya. Nasa 30s na sya nang magkaanak--lima ang pinagbuntis nya ngunit ang apat ay nalaglag--at hindi nya akalain na ang kaisa-isa nyang anak ay magiging isang autistic. Si Erick ay isang nonverbal autistic, ibig sabihin ay hindi nya mapahayag ang sarili nya sa verbal na paraan.
Ang librong ito ang naglalaman ng mga pagsisikap ni Fanny bilang ina, kasama ang kanyang pamilya at iba pang tao sa paligid nila, upang maging mas maayos ang buhay ni Erick. Inilalarawan din dito kung paano nagsumikap syang bigyan ng edukasyon at turuan ng pagkalinga sa sarili si Erick, kaagapay ang mga naging SpEd teachers ng anak, upang maabot pa rin ni Erick ang kanyang hustong potensyal sa kabila ng kanyang kalagayan.
Nakakaantig ang librong ito. Para sa marami, ang pagkaka-alam natin sa isang autistic ay 'yon bang "may sariling mundo." Minsan nga, ginagamit pa ng iba na pang-asar ang salitang autistic sa mga taong tingin natin ay "weird" o kakaiba. Pero sa totoo lang, hindi pa rin buo ang kamalayan natin tungkol sa autismo at sa mga taong mayroong ganitong kondisyon.
Ang Erick Slumbook ay nagbibigay ng patnubay sa mga magulang ng mga batang may autismo, at kung paano nila aalagaan ang kanilang anak. Ipinapakita dito ang sakripisyo at pagmamahal ng isang ina sa walang sawang pag-aaruga at pag-aalaga sa kanyang anak na may ganitong kondisyon.
Naantig ako sa librong ito habang binabasa ko ito. Hanga ako sa pagmamahal ni Fanny sa kanyang anak sa kabila ng kondisyon nito. Nakakamulat din ng kamalayan ang librong ito tungkol sa mundo ng autismo. Nakakatuwa din na hindi lang si Fanny ang umaaruga sa kanyang anak; kundi may iba pang tao na handang umalalay sa kanya at mag-alaga kay Erick.
Hindi lamang para sa mga pamilya ng taong may autismo ang akdang ito; para din ito sa lahat, upang mas maintindihan pa kung ano ang autismo. Mas mapapabatid sa'tin na ang mga may kondisyong ito ay tao din--may damdamin, may karapatan--at sila'y bahagi rin ng lipunan kaya't nangangailangan din sila ng pagtanggap mula sa atin.
No comments:
Post a Comment