Sunday, April 20, 2014

Orosa-Nakpil, Malate by Louie Mar Gangcuangco

Orosa-Nakpil, Malate (A Filipino Novel)Orosa-Nakpil, Malate by Louie Mar A. Gangcuangco


Format: Paperback, 226 pages
Published 2006 by Louie Mar's Publications
Read in November, 2010
Rating: ★★★★


Because I read the Tagalog version, I shall make my review in the Filipino language.


Taong 2010 nang nabasa ko ito. Isa sa malapit na kamag-aral ko sa kolehiyo ang bumili ng libro, at ang kopya nya ay umikot na sa buong klase. Noong mga panahon yon, unti unti akong namulat sa mga bagay-bagay sa realidad, at maraming beses namin napag-uusapan ang iba't ibang paksa: relihiyon, karapatang pagkakabaihan, kahirapan, akademikong aralin, at homosekswalidad--kasama ng iba pang paksa tungkol sa buhay.


Ito ang unang aklat na nabasa ko tungkol sa homosekwalidad, partikular na sa mga tinatawag sa ating lipunan na mga "bakla". Marami akong mga kakilala na ganoon ang oryentasyon, at ang iba pa ay naging mga kaibigan ko. Samakatuwid, ang nagpahiram sa akin ng aklat na ito ay isa ring lalake na tipo ang kapwa lalake. Wala naman akong panghuhusga sa mga ganoon; at interesado din ako sa mga gantong tema.


Ang Orosa-Napkil, Malate ay isang nobela na tinatalakay ang mga kontemporaryong isyu: homosekwalidad, pakikipagtalik, buhay ng mag-aaral, STD, HIV/AIDS, at pag-ibig. Oo, tama--pag-ibig. Marahil marami sa atin ang nagtataas ng kilay tuwing naririnig ang mga kwento ng "pagmamahalan" ng mga tao na pareho ang kasarian; mapalalaki man sa lalake o babae sa babae. Ngunit totoo na umuusbong ang pag-ibig sa mga gantong tipo ng indibidwal, at ang Orosa-Napkil, Malate ang namulat sa akin sa realidad na ito.



May mga pahina kung saan sinasalaysay ang pagtatalik ng mga karakter, pero hindi naman ito ganoon kahalay. Sa akin ay sapat lang naman ito. Siguro kung ang mga mambabasa ay hindi sanay sa mga ganitong uri ng paksa, mahahalayan sila; pero dahil malawak naman ang aking pag-iisip ay hindi naman ako masyadong nasorpresa.


Impormatibo din ang nobela tungkol sa mga karamdamang maaring makuha sa hindi protektadong pagtatalik, katulad ng HIV at AIDS na higit na talamak sa mga homosekswal. Ngunit hindi lang mga lalakeng nakikipagtalik sa kapwa lalake ang pwedeng makakuha ng ganitong karamdaman; posible din ito sa pagtatalik sa pagitan ng lalake at babae, o kahit pa sa babae sa babae. Lalo't higit pa sa mga taong maraming nakakapareha. Pinabulaanan din ng libro ang mga maling akala tungkol sa mga ganitong uri ng karamdaman. Subali't sa aking palagay lang naman, hindi ganoon "kadulas" ang paglalagay ng gantong mga impormasyon sa kwento. Para bang basta lang siningit.


Ngunit masasabi ko rin na ang aklat na ito ay binuhay ang sari sari kong emosyon. At dahil nga ako rin ay isang emosyonal na indibidwal, maraming pagkakataon na napaiyak ako ng kwento, lalo na sa bandang dulo ng aklat.


Madaling basahin ang aklat at mabilis ang pagdaloy ng kwento, kaya't natapos ko agad itong basahin. Ang uri din ng lenggwahe na ginamit sa pagsasalaysay ng kwento ay kolokyal kaya't madali itong maintidihan, at tiyak na makaka-konekta sa istorya ang mga mambabasa--mapa-estudyante man; bata o matanda; estudyante o propesyunal o tambay; homosekswal o hindi; at kahit pa ang mga hindi ganoon kahilig magbasa.


Kudos sa mga gantong uri ng istorya! Sana'y mas marami pang Pilipinong manunulat ang lumikha ng mga kwento tungkol sa kontemporaryong isyu sa ating lipunan. At sana rin ay maraming pang tagapaglathala ang maglimbag ng mga aklat sa pinapakita ang talento ng mga Pilipino.


Sinusubukan kong maghanap ng kopya ng librong ito sa mga bookstores para may sarili akong kopya, pero parang out-of-stock na yata. Ang awtor din ng librong 'to ay wala ngayon sa bansa at isang practicing physician  (friend ko sya sa Facebook) kaya hindi ko alam kung kelan ulit 'to maiimprenta.


No comments:

Post a Comment